Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Raymond ‘inapi’ ng kapwa artista

Sa podcast ni Wil Dasovich, naging panauhin niya ang kakambal ni Richard Gutierrez na si Raymond.

Sa naturang podcast, ibinahagi ni Raymond ang kanyang karanasan sa kanyang pamilya mula nang magdesisyon siyang mag-out.

Aniya, hindi na raw naman nagulat ang kanyang pamilya sa kanyang paglantad kasama na ang mga kapatid na sina Ruffa at Richard dahil noon pa man ay may alam na ang mga ito tungkol sa kanyang sexual orientation.

Kahit daw nag-out siya, mainit na tinanggap pa rin daw siya ng kanyang pamilya nang walang judgment.

Ipinakita rin daw ng pamilya niya ang pagmamahal at suporta sa kanya sa desisyon niyang magladlad.

Nagbalik-tanaw din siya sa kanyang naranasang pambu-bully noong nag-uumpisa pa lang ang karera niya bilang talk show host sa GMA-7.

Marami raw mga artista at mga kasamahan sa Kapuso network ang nambully sa kanya noon.

Katunayan, kapag naglalakad daw siya noon sa hallway ng network, may nagpaparinig daw sa kanya at tinatawag umano siyang bakla.

Ito rin daw ang dahilan kaya minsan ay takot siyang pumasok sa dressing room niya noon.

Eventually, pinatunayan naman niya na kaya niyang mag-excel sa hosting, ang career na pinili niya.

Sa huli, pinalitan daw niya ang host na minsan ay umaglahi sa kanyang pagkatao.

Sa ngayon, happy si Raymond dahil natagpuan na niya ang partner na nakabihag sa kanyang puso.

Hindi rin daw siya nagpo-post sa social media tungkol sa kanyang dyowa dahil hindi naman ito public figure.

Si Raymond ay kasalukuyang nakatira sa Los Angeles sa Estados Unidos.