Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Obiena kinapos sa ‘Gyulai Istvan’

NABIGONG makapagwagi ang World No. 3 at Asian record holder na si Ernest John “EJ” Obiena matapos ang tatlong sunod na top three na podium finish nang kapusin sa unang pagkakataon sa pagpuwesto sa ikaapat sa 12th Gyulai Istvan Memorial Lunes sa Székesfehérvár, Hungary.

Naputol ang serye ng pagwawagi ng Tokyo Olympian na si Obiena matapos magkasya lamang sa 5.45 metro, halos kalahating metro ang kulang sa kanyang Asian record na 5.94m at maiwan sa likod ng nagkampeon na si Armand Duplantis ng Sweden, Renaud Lavillenie ng France at Thibaut Collet.

Isang tangka lamang ang naisagawa ni Obiena para lampasan ang 5.45m bago siya yumuko dala marahil sa pagod na mga binti matapos sumabak sa sunod-sunod na aksiyon sa dalawang laban sa loob ng tatlong araw kung saan ito huling nakapagwagi ng tanso sa Silesia Diamond League sa Poland noong Biyernes, Agosto 5.

Nabigo siya sa kanyang unang pagsubok sa 5.60m at naubos ang kanyang huling dalawang pagtatangka sa 5.70m.

Maging ang world record holder na si Duplantis, na nakipagkumpitensiya laban kay Obiena sa Poland, ay nabigong malampasan ang itinala nitong world record na anim na metrong marka na karaniwan niyang nagagawa nang madali sa pagtatala ng pinakamataas na 5.80m.

Nakuha ni Lavillenie ang 5.70m para sa pilak, habang si Collet ay nagtala ng 5.60m para sa bronze.

Unang pagkakataong hindi napunta si Obiena sa podium kasunod ng tatlong top-three finish ngayong buwan lamang kabilang ang makasaysayang bronze medal sa World Athletics Championships sa Eugene, Oregon noong Hulyo.

Nakamit niya ang ginto sa Jump and Fly event sa Germany noong unang bahagi ng Hulyo, na-reset ang kanyang Asian record para masungkit ang isang breakthrough bronze sa mundo, at nakakuha ng isa pang bronze sa Silesia Diamond League. (Lito Oredo)