Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Multa, bawi-lisensiya vs mga pasaway na rider

Naghain ng panukala ang isang mambabatas upang pagmultahin at alisan ng lisensya ang mga motorcycle rider na gagawa ng lane splitting o pagtabi sa isang sasakyan sa loob ng isang lane.

Sa kanyang House Bill no. 1419, sinabi ni Pangasinan Rep. Ramon Guico Jr. na patuloy na malaki ang bilang ng mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorsiklo kaya dapat gumawa ng mga batas upang mabawasan ito.

Ang panukala umano ni Guico ay magpapalakas sa Administrative Order AHS-2008-15 ng Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng lane splitting.

Ayon sa panukala, ang lane splitting ay ang pagtabi ng motorsiklo, scooter, o anumang two-wheel at three wheel na sasakyan sa gilid ng isang sasakyan na umuukopa ng isang lane.

Ikokonsidera rin na lane splitting ang pagsingit ng motorsiklo sa pagitan ng dalawang sasakyan na nakahinto dahil trapik.

Ang parusa ay P1,500 para sa unang paglabag habang P3,000 sa pangalawang paglabag, at P5,000 saka pagbawi sa lisensiya ng rider sa ikatlong paglabag. (Billy Begas)