Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Mga fan, atleta magrespetuhan

SAAN ba dapat ang hangganan ng fans pagdating sa kanilang mga iniidolo? Paano at ano’ng paraan lang ba sila dapat makitungo sa kanilang mga paboritong manlalaro?

Alam naman natin na mainit na usapin ito sa ngayon mga ka-Abante, may mga kumakalat ngayon na video patungkol sa komento ng isang manlalaro sa mga fan ngayon. Pero saan nga ba siya nanggagaling? Bakit niya nasabi ang mga ‘yon?

Well mga ka-Abante, siyempre ang mga fan napakalaking tulong niyan sa karera ng ating atleta, ang laking boost sa pangalan nila ang mga fan lalo na sa mga game venue, iba ‘yung nagagawang motibasyon ng mga ito sa players. Pero hindi natin maiaalis talaga na minsan kailangan alam din ng mga ito ang kanilang limitasyon. Tama ba ako, mga ka-Abante?

Bilang fan, alam natin dapat kung paano ang tamang behavior tuwing nasa laro tayo o makikita natin ang mga paborito nating players. Lagi dapat alalahanin na may boundaries ang relasyon ng fan at player. Hindi rin naman natin maiaalis sa mga fan na nariyan ang sabik, tuwa, kilig at saya kapag makikita nila ang idolo nila kaya ‘yung excitement na ‘yon, minsan ay hindi na nila alam kung ano na ba ang nagagawa nila, basta ang mahalaga wala silang nababastos.

Ang mga player natin, sanay sila sa fans, palakaibgan sila pero may mga pagkakataon talaga na wala silang gana, maaaring pagod, talo sa game o may pinagdadaan kaya hindi napagbibigyan ang hiling ng ilan na photo op o video greeting. Sa mga ganitong pagkakataon, siguro dapat maintindihan din natin kung saan nanggagaling ang mga ito. Sa parte naman ng mga player, siyempre dapat naiintidihan din nila na ‘yung ibang fans ay talagang bumiyahe pa ng malayo para makita sila, picture lang masaya na sila.

Kumbaga, sa mga ganitong pagkakataon, talagang hindi dapat nawawala ‘yung respeto sa isa’t isa. Tignan ninyo, marami diyan na fans ang nagiging kaibigan ng mga player o ‘yung iba pa, pamilya na ang turingan kasi alam nila ang limitasyon nila, o alam nila kung paano mag-behave.

Lahat naman tayo may pisi, ‘yung sa iba mahaba, ‘yung sa iba napuputol agad. Tandaan din natin na ‘yung minsan na ‘di tayo napagbigyan sa hiling natin sa mga idolo natin ay hindi ‘yun agad nangangahulugang masama na ang ugali nila.

Masaya ang mga fan na makita ang mga idolo nila at ganoon din ang mga player, masaya na nariyan ang mga ito na nakasuporta at nakasubaybay sa karera nila!

Muli, patuloy po ninyong suportahan ang Sportalakan. Salamat po at God bless!