Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Inabandonang sanggol pinapak ng mga uod

Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang isang bagong panganak na sanggol na babae na inabandona sa ilalim ng isang puno sa masukal na lugar sa Salcedo, Eastern Samar.

Kahabag-habaga ang itsura ng sanggol dahil nakabalot lang ito sa isang tarpaulin at inuuod, nilalangaw at nilalangam na ang katawan nang matagpuan ng isang bata na nagpapastol ng kambing nitong Agosto 5 ng umaga sa Barangay Palanas sa nasabing bayan.

Napag-alaman na bagong panganak lang ang sanggol na babae dahil hindi pa napuputol ang pusod nito nang matagpuan.

Agad namang nirespondehan ito ng Women’s and Child Protection Desk ng Salcedo Municipal Police Station sa pangunguna ni Corporal Cyril Joyce Bardinas.

Habang dinadala sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City ang sanggol ay mismong si Bardinas ang nagpa-breastfeed dito upang mapawi ang gutom ng kaawa-awang bata.

Sa kasalukuyan ayon pa kay Bardinas, patuloy na inoobserbahan sa nasabing pagamutan ang sanggol na nagkaroon na ng pneumonia. Hinihintay pa rin ang ibang isinagawang test upang malaman kung mayroon pa itong ibang sakit.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman kung sino ang walang pusong indibiduwal ang nagtapon sa sanggol matapos itong iluwal at kung bakit ito inabandona.

Sakaling matunton ang suspek ay maari itong sampahan ng kaukulang kaso dahil sa hindi makataong ginawa sa walang kamuwang-muwang na sanggol. (Edwin Balasa)