Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Bada, Ungos pa-wow sa IRONKIDS Philippines

ISANG matinding sipa ang pinakawalan ni Darell Bada upang masingitan si Carron Canas samantalang sinandalan ni Adrian Ungos ang diskarte sa bike sa pagbulilyaso kay Caelle Avanzado sa dominasyon ng Olongapo Junior Trackers sa 2022 IRONKIDS Philippines sa Lapu-Lapu City, Cebu nitong Sabado.

Naghabol si Bada mula sa pagtersera sa swim leg sa pag-arangkada sa run sa The Mactan Newtown para kopoin ang titulo sa tampok na boys’ 13-14 sa 33:22.0 tiyempo – 05:00 (swim), 18:40 (bike), 09:42 (run). Tinuhog niya si Canas, na kasabayan sa trangko si Connor Hodges sa swim (04:55), kumapit sa bike (18:44), pero kinapos sa closing run (10:29) para sa 34:08.0.

Tumesera si Hodges sa 35:13.0 sa 400-m swim, 12-km bike, 3-km run race na inorganisa ng The IRONMAN Group/Sunrise Events, Inc.

Mas pasiklab ang buwelta ni Ungos, humabol buhat sa pagpanlima sa languyan sa pasabog sa bisikletahan patungo sa paggaya sa nagawa ni Bada sa panalo sa 13-14 girls’ division sa may apat na kategoryang event sa pagbababalik ng junior version ng IRONMAN mula sa dalawang taong pagkatengga sanhi ng pandemya.

Nangapa si Ungos sa 6:30 clocking (swim) laban sa 5:51 ni Avanzado’s 05:51, pero naging matulin sa 19:32 sa bike upang makontrol ang labanan pa-38:23.0 maski pa kumupad sa talkbuhan sa 12:21.

Bumitaw sa unahan si Avanzado sa 21:34 time sa bike at kinulang ang paghahabol sa kabila na naging mabilis ang run sa 11:50. May time siyang 39:15.0.

Pinausok naman nina Christy Ann Perez at Yvaine Osias ang sagupaan sa girls’ 11-12 na rito’y nakaalpas ang una sa huli ng tatlong segundo lang taliwas sa boys’ side na banderang tapos na pinagwagian ni Peter del Rosario.

Iwan si Perez kay Osias ng 2 seconds sa swim (03:03-03:01), nakalusot sa bike (16:24-16:27) bago rumatsada sa run (09:39-09:46) pa-29:06.0 sa 400m swim, 6km bike, 2km run distance.

Kinontrola ni Del Rosario ang swim at sinuestena pa 26:36.0 sa likod ng 02:47 (swim), 14:13 (bike) at 09:36 (run). Dinaig niya sina Edel Royeras, (28:43.0 at Dustin Bersabal (28:44.0). (Ramil Cruz)