Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Atienza, Creamline umahon sa hukay

Mga laro bukas: (MOA Arena)

INIAHON ni Kyla Atienza sa dalawang set na pagkakaiwan ang defending champion Creamline Cool Smashers tungo sa limang set na panalo kontra PLDT High Speed Hitters 22-25, 25-27, 25-21, 25-19, 15-12 sa second game ng semifinals Sabado sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Ynares Center sa Antipolo.

Nagtala ang libero na si Atienza ng kabuuang 23 excellent digs at 17 excellent receptions upang tulungan ang Cool Smashers na buhayin ang laban sa huling tatlong set tungo sa pag-agaw sa importanteng panalo na nagpanatili dito sa tanging may malinis na kartada na dalawang sunod na panalo.

Namuno si Diana Mae ”Tots” Carlos para sa Cool Smashers na may 22 puntos mula sa 18 kills at 3 blocks habang tumulong sina Alyssa Valdez, Jessica Margarette Galanza at Jeanette Panaga na may 14 puntos kada isa.

Sinimulan ni Julia Melissa Morado-De Guzman ang ikalimang set ng isang service ace bago pinuwersa ang attack error at isang kill upang itala ang 3-0 abante sa Creamline.

Mula dito ay hindi na binitiwan ng Cool Smashers ang pagkapit sa abante tungo na sa pagdungis sa kartada ng PLDT, na nahulog sa 2-1 kartada.

Samantala’y nabalot ng kontrobersiya ang unang laban sa pagitan ng Cignal HD na nagawa din maitakas ang 3-2 set na panalo kontra sa Army Black Mamba 26-24, 26-28, 25-18, 18-25 at 16-14.

Ito ay matapos ireklamo nina Joanne Bunag at buong Lady Troopers ang dapat sanang checkball sa huling yugto na magtatabla sana sa laban subalit hindi tinawagan ng namahalang referee na nagbigay ng panalo sa HD Spikers. (Lito Oredo)