Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

2 HS student lodi sa geography olympiad

Panibagong karangalan na naman ang nakamit ng mga estudyanteng Pinoy sa internasyonal na kompetisyon. Ito ay matapos masungkit ng dalawang high school student ang bronze medal sa 2022 International Geography Olympiad (iGeo2022).

Sila ay sina Sophia Bagnes ng Philippine Science High School-Bicol Campus at Ryan Abigan ng La Salle Integrated High School.

Nakamit naman ng poster team ng ‘Pinas ang third place sa naturang kompetisyon na ginanap online noong July 12-18.

Bukod kina Bagnes at Abigan, kabilang din sa national team sina Vinz Imperial mula Sorsogon National High School, Jania Galang ng PSHS-Central Luzon, at ang mga team leader na sina Elias Dichoso ng Sorsogon National High School at Russe Odi ng St. Jude Catholic School.

Kasama sila sa 54 team, 209 na estudyante at 105 team leader sa taunang kompetisyon para sa pinakamagagaling na 16-19-year-old geography student mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang mga estudyante ay sumailalim sa tatlong parte ng kompetisyon: written test, multimedia test at substantial fieldwork na kinakailangan ng obserbasyon na siyang tutungo naman sa cartographic representation at geographical analysis.

Ang pagkapanalo ng Team PH sa poster-making ay ang kauna-unahang panalo ng Pilipinas simula nang ito ay sumali sa iGeo. Tinalakay sa kanilang poster ang kalagayan ng bansa bilang 3rd largest producer ng plastic sa mundo at may pamagat na “Combating the Plastic Epidemic” na hango naman sa temang “Plastic Pollution Effects on Aquatic Ecosystem”.

Hindi naman ito ang unang pagkapanalo para kay Abigan na nasungkit ang silver medal sa iGeo 2021 na ginanap sa Turkey habang si Bagnes naman ang first runner-up sa 2022 Philippine Geography Olympiad.

Ang International Geography Olympiad ay inorganisa ng International Geographical Union local organizing committee sa Paris, France. Habang ang Geographic Society of the University of the Philippines (UPGeogSoc) ang siyang nag-organisa ng partisipasyon ng delegado ng ‘Pinas para sa 18th iGeo. (MJ Osinsao)