Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Willie, Luis ‘niluluto’ ang show sa Villar TV

NI: CRISTY S. FERMIN

Kapag nagkukuwentuhan kami ni Willie Revillame ay puro papuri ang maririnig sa kanya tungkol kay Luis Manzano. Hindi ‘yon dahil sa ninang niya sa kasal ang Star For All Seasons, saludo siya sa talento ni Lucky, pati sa pagdadala nito sa kanyang karera.

Nananalamin siguro siya kay Luis na bukas ang palad sa pagtulong sa mga nangangailangan. Nakikita siguro niya ang kanyang sarili kay Luis na sa maagang panahon ay naglakas-loob agad na namuhunan sa pagnenegosyo.

“Natutuwa ako kay Luis, maaga siyang natutong mag-business. Saka wala siyang bisyo, very professional, kitang-kita ‘yon sa kanya. Ganu’n dapat ang mga artistang kumikita, nakatanaw sa future,” sabi ni Willie.

Malakas ang ikot ng balita na sa pagbubukas ng bagong network na pag-aari ng mga Villar, ang AMBS, na si Willie ang pinagkakatiwalaan ng pamilya ay kasama si Luis Manzano sa mga artistang ilulunsad ng bagong istasyon.

May impormasyong nakarating sa amin na ilang beses nang nagmi-meeting ang host ng Wowowin at si Luis. May posibilidad nga kaya na ang mga programang gagawin ni Luis ang kanilang inuupuan?

Hindi ‘yon imposible. Sa panahong ito na wala nang prangkisa ang ABS-CBN ay maaari nang tumanggap ng trabaho si Luis sa labas ng network.

At gustung-gusto siya ni Willie Revillame, alam niya na malaking karagdagan sa bubuksan nilang network ang actor-TV host, kaya abangan na lang natin ang mga susunod na kuwento.