Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Vice umaray sa kalungkutan

NI: CRISTY S. FERMIN

Nakamaskara lang sila pero tao pa rin ang mga payaso. Sinumpaang tungkulin lang nila ang pagpapasaya pero tao lang din silang nasasaktan, nalulungkot at lumuluha.

Hindi namin maaaring kalimutan ang kuwento na gustung-gustong maligo sa ulan ng pinakasikat na komedyante sa buong mundo na si Charlie Chaplin.

Du’n lang kasi ito nabibigyan ng pagkakataong lumuha nang hindi nakikita ng publiko. Parang si Vice Ganda. Hindi siya gustong nakikita ng manonood na nalulungkot dahil sa pinasok niyang linya ng pagkokomedya.

Ang tingin ng iba kay Vice Ganda ay wala siyang kalungkutan, wala siyang pakiramdam, hindi siya dinadalaw ng mga paghamon at problema.

Pero tao lang din siyang tulad natin na umaaray. Hindi siya robot na de-susi. Ang kanyang anyo ay tulad din nating binubuo ng laman, balat at buto bilang tao lang.

Pinahahalakhak niya ang publiko sa kanyang show, sa kanyang mga concert, pero hindi natin alam kung ano ang kanyang saloobin. Nagpahayag siya na hindi naging madali para sa kanya ang lampasan ang mga huling ganap sa kanyang buhay.

Ang dami-dami tuloy nanghula kung anu-ano ang bumabagabag sa kanya. Nagkahiwalay na ba sila ni Ion Perez? Inaatake ba siya ng kalungkutan dahil nararamdaman na niyang padausdos na ang kanyang career?

May problema ba siyang pampamilya? Meron ba siyang sakit na kinatatakutan kaya ganu’n na lang siya kalungkot?

Pahulaan ang kasalukuyang buhay ni Vice Ganda. Publiko ang nagbibigay ng sagot sa nararamdaman niya ngayon. Sa muli, tao lang si Vice Ganda na inuulaol ng problema, payaso man siyang itinuturing ay meron siyang pusong nasasaktan.