Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

SOGIE Bill proteksyon ng LGBTQIA+ community vs diskriminasyon, sexual harassment

Magandang araw, Mga Kakampi!

Sa ating nakaraang column, nabanggit ko na tayo’y nagsagawa ng Free Legal Helpdesk sa ating social media pages bilang regalo sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.

Sa pamamagitan nito, sinagot natin ang ilan sa mga katanungan mula sa mga miyembro ng LGBTQIA+ na may kinalaman sa kanilang mga karapatan.

Ngayon, sasagutin natin ang isang napakahalagang tanong na ating natanggap mula sa nasabing konsultasyon. Naririto po ang tanong:

Sa tingin po ninyo, bakit hindi pa rin naipapasa ang SOGIE Bill kung nakatutulong naman ito sa bawat miyembro ng LGBTQIA+ laban sa diskriminasyon?

Pareho kami ng pananaw ng nagpadala ng tanong na iyan. Talagang malaking tulong ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Bill laban sa diskriminasyon.

Pero bakit siya hindi naipapasa? Nakalulungkot dahil ang unang SOGIE Bill ay inihain pa ni Senador Miriam Defensor-Santiago noong pang 2000 ngunit hanggang ngayon, kahit sa kabila ng pagsisikap ng ilang batas, hindi pa rin ito naisabatas.

Ano nga ba ang laman ng SOGIE Bill kung ito’y maisabatas? Ipagbabawal nito ang diskriminasyon batay sa kasarian at desisyon ukol sa kasarian.

Kaisa tayo ng LGBTQIA+ community na maipasa na ang SOGIE Bill sa darating na Kongreso.

Ang pagpasa ng batas na ito ay nasa kamay ng ating mga mambabatas. Kung maghahalal tayo ng mga progresibong mambabatas, malaki ang pag-asang maipasa ang SOGIE Bill at maisaayos ang ang lahat ng batas pagdating sa gender-based discrimination at sexual harassment.

Habang wala pang naipapasang SOGIE Bill, may ilan tayong batas na maaari ring gamitin ng LGBTQIA+ community para makakuha ng proteksiyon laban sa pambabastos.

Isa na rito ang Anti-Sexual Harassment Law na naipasa noong 1995. Lahat ng klaseng harassment na seksuwal sa kahit ano pa man ang kasarian ay ipinagbabawal sa lugar ng trabaho.

Ang maganda dito sa batas na ito, inoobliga nito ang bawat educational institution o office na magkaroon ng committee na hahawak sa mga kaso ng sexual harassment. Ang komite ring ito ang magrerekomenda sa management ng mga polisiya ukol sa sexual harassment.

May pananagutan din ang management ng educational institution kapag hindi nila pinatupad ang anti-sexual harassment law.

Sa ilalim naman ng Safe Spaces Act, pinagbabawal din ang diskriminasyon batay sa kasarian at sexual harassment sa online man at maging sa aktuwal.

Sa batas na ito, bawal na ang gender-based sexual harassment sa mga kalsada, pampublikong sasakyan, pampublikong lugar, lugar ng trabaho at maging sa internet. Papatawan din ng parusa ang simulang lalabag sa batas na ito.

Hanggang sa muli. Tandaan, kay Atty. Chel Diokno ang dehado, lliyamado!