Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Sinong makikinabang sa face to face class?

Marami ang excited sa pagsisimula ng pasukan sa klase ngayon taon dahil balik-eskuwela na ang ibang mag-aaral. Pero sabi ng mga gifted child nating tropapips, kabilang sa mga happy ang mga ekonomista ng pamahalaan.

Pero hindi raw kasali sa mga magbabalik-eskuwela ang mga ekonomista ni PBBM kaya happy rin sila sa face to face class. Ang dahilan daw kaya magiging happy ang mga ito ay madadagdagan ang gastos ng mga estudyante at mga magulang sa halip na nakatengga lang sa bahay sa online class.

Ang resulta nga naman kapag lumabas ng bahay ang estudyante, dagdag-gastos, dagdag-singil sa buwis gaya ng VAT, at dagdag kita sa pamahalaan.

Kung tutuusin, sabi ng mga tropapips natin, dapat daw ay magpakatotoo ang mga opisyal natin. Itigil ang linyang “good for mental health” ng mga estudyante kaya itinutulak ang face to face class kahit mataas pa rin ang hawahan ng COVID-19.

Mas maganda raw na aminin na “para sa ekonomiya!” din ang pagsusulong ng face to face class. Kung lalabas na kasi ng bahay ang mga estudyante, mga magulang, at mga guro, natural na sasakay ang mga iyan, kakain sa labas, o kung minsan eh baka gumimik pa. In short, gagastos.

Kung pagbabatayan ang datos ng Department of Education, halos 18 milyon na mag-aaral na raw ang naka-enroll para sa pasukan. Aba’y kahit kalahati lang sa bilang na ‘yan ang mag-burger na may VAT, malaking ambag na sa ekonomiya.

Kailangan kasi talagang dumiskarte ng mga opisyal sa gobyerno ngayong lampas na tayo sa kalahati ng 2022. Lalo pa ngayon na tumamlay ang paglago ng ekonomiya sa second quarter ng taon.

Kung noong first quarter eh naka-8.2% ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas, sa second quarter eh naging 7.4% lang. At kung tatamlay pa sa nalalabing bahagi ng taon ang ekonomiya, aba’y sa ang kasalukuyang administrasyon na ang masisi at hindi na ang nagdaang administrasyon.

Sabi ng mga ekonomista, nakaapekto raw ang mataas na inflation sa pagbagal ng paglago ng ekonomiya. At umaasa sila na kapag nag- face to face class na, baka umangat sa hanggang 9% ang GDP.

Pero ang tanong lang ng ilan nating tropapips, gaano na nga ba ka-safe ang mga estudyante sa face to face class laban sa COVID-19? Hindi lang sa virus, pati na sa mga alagad ni “Taning” na naglipana na naman. Isama pa ang hirap sa transportasyon.

Ang lagi lang paalala ng mga nasa pamahalaan, magpaturok ng COVID vaccine. Pero paano naman ang siksikang mga pasahero na malamang na lumala pa kapag nandiyan na ang mga estudyante. Papaano ang mga batang mag-aaral?

Kung dati eh ang mga timawang bus lang ang overloaded at siksikan ang mga pasahero, ngayon, pinababayaan na rin na magpalitan ng mukha ang mga nakasakay sa modern jeep na aicon pa man din. Ibig sabihin, kung may “positive” na pasahero sa virus, goodluck at patibayan na lang ulit ng resistensya ang mga sakay.

Ngayon na tumataas na naman ang active cases ng COVID, at inaasahan ng ilang eksperto na baka magpatuloy pa ito hanggang sa pagbubukas ng klase sa paaralan, mukhang magiging busy na naman si “Batman” dahil marami ulit ang magdarasal na “bahala na si Batman.” Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”