Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

RAV4 driver dadakmain paglabas ng warrant

Tiniyak ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Gauvin Mel Unos na darakpin nila ang driver ng nanagasang sport utility vehicle (USV) sa isang security guard noong nakaraang linggo kapag naipalabas na ng korte ang warrant of arrest laban dito.

Ayon kay Unos, hinihintay na lang nila ang ilalabas na warrant ng korte bago sila gumawa ng hakbang laban sa suspek. Mananagot aniya ito sa paglabag sa batas at muntikang pagkasawi ng biktimang si Froilan Joseph Floralde nang suwagin niya ito habang nagmamando ng trapiko sa kanto ng Julia Vargas Avenue at St. Francis St., sa Brgy. Wack-Wack, Mandaluyong City noong Linggo.

Ipinaliwanag ni Unos na hindi nila maaaring arestuhin ang driver ng pu­ting RAV4 dahil nawala ang bisa ng warrantless arrest nang maisampa na nila sa piskalya ang mga reklamo kontra rito.

Aniya, ang magagawa na lang nila ngayon ay ang hintayin ang ilalabas ng korte na arrest warrant para maging basehan sa pagdakip sa suspek.

Noong Martes, kinasuhan ng pulisya ng frustrated murder, hit and run at reckless imprudence resulting in physical injuries ang isang Jose Antonio San Vicente, ang registered owner ng RAV4 na may plakang NCO 3780 habang obstruction of justice naman ang ikinaso noong Miyerkoles laban sa tatlong guwardiya ng Ayala Heights Subdivision sa Old Balara Quezon City dahil sa pagtanggi nilang papasukin ang mga pulis para kumpirmahin kung sa nasabing lugar nakatira ang suspek sa hit and run.

Nakatakdang humarap ngayong araw sa Land Transportation Office (LTO) ang driver alinsunod sa ipinalabas na ikalawa at huling show-cause order laban sa kanya. Sakaling hindi uli siya magpakita, tuluyan nang babawiin ng LTO ang kanyang driver’s license na nakasuspinde ngayon ng 90 araw dahil sa nasabing insidente.