Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

OFW na ginilitan balik-Pilipinas na

Nakauwi na sa bansa ang Overseas Filipino Worker (OFW) na nakaligtas matapos siyang gilitan ng nanay ng kanyang amo sa Saudi Arabia noong nakaraang buwan.

Sinalubong ni Overseas Worker Welfare Administration (OWWA) deputy Administrator Arnel Ignacio si Jinky Solitorio nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 lulan ng Philippine Airlines (PAL) flight PR 683 mula Dammam, Saudi Arabia noong Lunes.

Ayon kay Solitorio, ginilitan siya ng nanay ng kanyang amo gamit ang bread knife nang masagot niya ito dahil sa hindi pa pagbibigay ng kanyang suweldo noong Hulyo 17.

Natigil umano ang paglaslas nito sa kanyang leeg nang sumigaw siya at humingi ng tulong. Pagkatapos nito ay nagkulong aniya siya sa kanyang silid at saka tumawag sa Rescue 911. Tinulungan din siya ng Saudi police para madala sa opisina ng Philippine Embassy.

Aminado rin si Ignacio na may hypertension ang ina ng kanyang amo at madali itong magalit. Samantala, pinasasagot naman ni Ignacio sa kanyang agency ang ginastos niya sa plane ticket para makauwi. (Otto Osorio)