Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Misis ginilitan na, nilaslas pa pulso

Kalunos-lunos ang hitsura nang matagpuan ang bangkay ng isang ginang sa taniman ng mais na nilaslas ang lalamunan sa Barangay Quinalabasan, Naguilian, Isabela noong Martes.

Nakilala ang biktima na si Josie Bonifacio, 40, may asawa at naninirahan sa Barangay Quirino ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng Naguilian Police Station, nagtamo ang biktima ng laslas o gilit sa kanyang leeg at magkabilang pulso, nakita rin ang malalalalim na sugat sa ulo at iba pang parte ng katawan nito.

Ayon sa pulisya, posibleng suspek sa krimen ang tsuper ng tricycle na sinakyan ng biktima na isinasailalim na sa masusing interogasyon ng mga awtoridad.

Napag-alaman din ng pulisya na nagpapautang ang biktima at mayroong utang ang suspek sa kanya.

Nabatid sa imbestigasyon na umalis ang ginang sa kanilang bahay noong Lunes, Agosto 8, upang magpatingin sa kanyang doktor sa Cauayan City ngunit hindi na nakauwi kaya nag-report ang kanyang mister na nawawala ang misis hanggang sa matagpuan ang bangkay nito sa taniman ng mais.

Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng forensic examination upang malaman kung hinalay ang biktima bago ito pinatay. (Allen Bergonia)