Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Mga ninja cop lumakas-loob pagbaba ni Digong

Nanawagan si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa ilang ahensiya ng gobyerno na bantayan ang posibleng pagbabalik ng ‘ninja cops’ o ang mga tiwaling pulis na sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.

Ginawa ni Dela Rosa ang panawagan sa Philippine National Police (PNP), National Police Commission (Napolcom) at Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa pangambang mamayagpag muli ang mga ito sa ilalim ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Bantayan ang DILG, Napolcom at ng PNP leadership. Siguruhin na ‘yung mga ninja cops na hindi na makakabalik dahil problema naman niya,” sabi pa ni Dela Rosa sa panayam sa dzBB.

Paniwala ng dating PNP chief, may ilang tiwaling pulis ang nag-abang noon na matapos na ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para makapagpatuloy sila sa kanilang ilegal na gawin, lalo na ang mga sangkot sa ilegal na droga.
“Iyong iba, nag-aabang na umalis si Pangulong Duterte, ‘pag nakaalis, gagapangin nila. Itong sistema, puwede silang makabalik. No. 1 ‘yan talaga ang konsiderasyon [bantayan ang ninja cops],” ayon kay Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and illegal drugs.

Noong Biyernes, Agosto 4, nadakip ng mga ope­ratiba ng PDEA sa Caloocan City, ang dalawa katao, kabilang ang isang aktibong pulis at nasamsam ang mahigit P3.4 milyong halaga ng shabu.

Ayon kay Dela Rosa, tila lumalakas ang loob ng mga ‘ninja cop’ lalo na’t hindi na sila masyadong natutukan dahil sa pagpalit ng bagong administrasyon.

“Talagang lumalakas ang loob nila [ninja cops]. Pakiramdam nila, nu’ng paalis na [ang Duterte administration], hindi masyadong binibigyan diin dahil nga paalis na,” saad pa ng senador.

Samantala, bagama’t hindi nabanggit ni Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) ang tungkol sa pagpapatuloy ng giyera kontra ilegal droga ng nagdaang administrasyon, naniniwala naman si Dela Rosa na may plano si Marcos para dito.

“Don’t push the president to the wall, hintayin na lang natin si presidente, may mga plano naman ang presidente [Marcos]. Naka-ready lang naman mga tao niya. Huwag muna nating i-pressure, marami siyang plano,” ani Dela Rosa. (Dindo Matining)