Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Maraming kakampi ang mga OFW sa gobyerno

Mukhang maganda lagay ng mga kababayan nating overseas Filipino workers sa kamay ng mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Senador Raffy Tulfo na magpapatupad ito ng “strike one policy” laban sa mga recruitment agency para mapigilan ang pang-aabuso sa mga OFW.

Sa session ng Senado kahapon ay iginiit ng bagitong senador na kanyang rerebyuhin ang mga record ng mga recruitment agency.

Kapag may sumbong aniya na sila nagpabaya ang mga recruitert sa OFW na nauwi sa pang-aabuso, pisikal o sekswal ay ikakansel agad ang lisensiya ng mga recruiter.

Matik na kanselasyon ng recruitment license ang mangyayari at epekto nito ay hindi na sila puwedeng magpadala ng workers abroad.

Maganda ang planong ito ni Sen Tulfo dahil talagang titino ang mga recruitment agency na kadalasan ay sa makokolektang komisyon lang sa pagbabatuhang employer ang habol.

Dahil kung loloko-loko sila ay mukhang pupulutin sila sa kangkungan.

Kadalasan kasi kapag naipasa na ng mga recruitment agency ang isang OFW sa kanyang employer ay wala na silang pakialam sa kahahantungan kahit ba minaltrato na ito.

May pagkakataon namang isasalba ng mga recruitment agency ang isang kaawa-awang OFW pero hindi para habulin ang salbaheng employer nito kundi hanapan agad ng pagpapasahang employer para muling makakomisyon.

Harinawa ay mapatino ni Senador Tulfo ang mga recruitment agency na walang malasakit sa OFWs.

Pero sa pagkakakilala ko sa public service kay Senador Tulfo ay kayang-kaya nito mabago ang pananaw ng mga recruitment agency dahil kung hindi susunod nakatitiyak akong pagkansela agad ng lisensya ang kanilang kakaharapin!