Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Manila city hall staff timbog sa korapsyon

Inaresto ng mga pulis ang isang empleyado ng Manila City Hall na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Nabatid na dinampot si Gloria Querobines, 50-anyos, sa harap ng kanyang bahay sa San Andres, Malate kamakalawa ng gabi sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Emmanuel Gonzales Pimentel ng Manila Regional Trial Court Branch 30.

Nagtatrabaho umano bilang analyst sa city budget office ng Maynila si Querobines.

Inirekomenda naman ng korte ang P90,000 piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan para sa kinakaharap na kasong may kinalaman sa paglabag sa Section 3 ng RA 3019 o corrupt practices of public officers.

Nakatayo umano si Querobines sa harap ng kanyang bahay nang arestuhin ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 9 dakong alas-8:30 ng gabi.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya habang hinihintay ang commitment order mula sa korte. (Juliet de Loza-Cudia)