Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Kimi raragasa muli sa Naga

Masigla si Kimi Brodeth sa tsansa sa dalawang korona uli sa PPS-PEPP City of Naga National Age Group Tennis Championships, pero maingat laban sa mga astig ding karibal na atat sawatain siya sa binuksan Miyerkoles na Group 1 tournament sa Cebu.

Asinta niyang mahakbangan si Zenna Logrono sa first round na nasisilip niyang pukpukan sa girls’ 16-Under play kung saan sasabak din sina Judy Ann Padilla, Joy Ansay, Kate Imalay, Angel Vosotros, Chloe Ortega, Keena Clarke at Nicole Bonza, lahat atat makaisang kampeonato sa walong nakataya sa penultimate leg ng four-stage Cebu swing ng circuit na titiklop sa Consolacion, Laray sa susunod na linggo.

Sa mga detalye pa, makipag-ugnayan kay event organizer Bobby Mangunay sa 0915 404 6464.

Gigiyahan din ni Brodeth, 16, ang kategoryang 18-U na rito’y kakasa rin sina Padilla, Vosotros at Tiffany Nocos, ang ginimbal ng tenista ng Ormoc City sa tatlong set para makadalawang tagumpay sa nagdaang linggong netfest sa Mandaue na hatid ng Dunlop.

SM food to go Banner Ad

Asinta rin ni McLeen Gomera ang back-to-back title sa boys’ 16-U class, pero nahaharap ang Bacolod, Lanao del Norte bet sa mabigat nagpagsubok sa premier side, sa pamumuno ni last week’s tormentor John David Velez, na buhat din sa Ormoc City, Cyd Villamar, Hans Cabellon, Ivan Manila at Bryan Paster.

Umabot ang boys’ 14- at 16-U categories sa 64-player cast habang ang girls’ 12-, 14- at 16-U groups may 32-entry bawat isa, patunay na nasusustena ang pagsikat ng event na matagal nang naghahanap ng mga talento, na handog ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro na misyong maiangat ang sport at makaprodyus ng mga papasok sa national team.

Pokus din kay Danao, Cebu’s Juvels Velos, ang marami nang itarak ang pinakamalaking sorpresa sa mga seeded na karibal pasikwat sa boys’ 14-U diadem, kasama ang eskapong three-set kay No. 1 Josh Lim sa finals ng torneong mga pinapadrinuhan ng ProtekTODO, PalawanPay, Unified Tennis Philippines at UTR (Universal Tennis Rating).

Samantalang si Ansay ang mangunguna sa mga aangas sa girls’ 14-U na kabibilangan din nina Imalay, Alexa Cruspero at 12-year-old Caroliean Fiel, na top seeding sa kanyang age bracket mahigpit na kalaban sina Jan Dagoon, Zita Clarke at Cruspero. (Ramil Cruz)