Nakaalarma ang patuloy na pagtaas ng electricity rates sa buong bansa. Kaya napapakamot na lang tayo ng ulo sa tuwing darating ang monthly bills inaasahan natin na buwan-buwan ito tumataas.
Hindi lang naman sa Luzon nagkakaroon ng walang patid na taas sa presyo ng kuryente kundi maging sa Visayas at Mindanao. Mismong si Senate President Migz Zubiri na isang Mindanaon ay nagrereklamo sa napakataas na electricity rates.
Sa Cagayan de Oro, myula sa dating P10.62 per kilowatt hour noong Enero, umakyat ito sa P14.18 nitong Hulyo para sa commercial consumer. Halos 34% na pagtaas iyon. Sa mga residential consumer naman ay 9.3% ang itinaas. Ganoon din din ang naranasan sa Bukidnon province.
Hindi lang naman sa kanila. Kahit dito sa Central Luzon, bukod sa manaka-naka din ang brownout, buwan-buwan ding tumaas ang electricity rates. Ihalimbawa ko na dito sa amin Pampanga kung saan kada buwan ang taas ng electricity rates dahil sa pagtaas ng generation charges.
Ang nakakainis dito, hindi naman nagpapaliwanag o nagbibigay ng anunsiyo ang electric cooperatives dito sa Pampanga kung bakit sila nagtaas. Ang nakakapagtaka, madalas ang power interruption pero mataas pa rin ang bill o sa kuryente.
Kahit nga panahon na tag-ulan, ganoon pa rin, mas lalo pang tumaas ang bill sa kuryente. Kadalasan kasi, pag madalas ang pag-ulan, nababawasan ang konsumo dahil kahit papaano, medyo malamig ang panahon.
May magagawa ba tayo? Natural wala. Wala tayong choice kundi magbayad, tiisin ang lahat ng ito. Sabi nga nila, lahat nagtaas na – pagkain, serbisyo, pati na rin ang rates sa water rates ng Prime Water dito sa amin sa Mabalacat City ay sumirit din. Kabwisit di ba?
Sana naman umaksyon ang gobyerno. Hindi ba’t binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA na ipaparebyu niya ang Epira Law, sana naman gawin nila ito sa ngayon at amiyendahan sa lalong madaling panahon.
Sa ilalim kasi ng EPIRA law, yung bigat ng production cost ay pinapasa sa mga konsyumer kaya tayo ang nahihirapan. Tayo ang pumapasan niyan. Hindi nga natin alam kung nasusuri ng ERC ang price increase. Hindi natin alam kung tama o makatarungan ba ang pagtataas nila.
May nagmungkahi naman na dapat daw ang gobyerno ay bigyan ng kakayahan na makapagpatayo ng sariling planta para mapatatag ang suplay ng kuryente. Sa kasalukuyang batas kasi, tanging ang mga pribadong sektor lang ang pinapayagang magkapatayo ng planta ng kuryente.
Bakit nga naman hindi? Bakit hindi subukan na magpatayo ng sariling planta ang pamahalaan. Kahit isa o dalawang. Kapag nagkaroon nito, ito ang magiging reserba ng gobyerno kapag kinulang sa suplay ng kuryente.
Sana mabilis na aksyunan ang gobyerno ang problemang ito dahil kawawa naman ang taumbayan.