Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Cherie matapang sa pagkikita kay Sharon

NI: CRISTY S. FERMIN

Sinadyang hindi umuwi nang mas maaga ni Sharon Cuneta pagkatapos ng kanilang concert ni Regine Velasquez sa Amerika. Nakaplantilya talaga ang pagdalaw niya kay Cherie Gil sa New York.

Kailangan niyang makita ang mahal niyang kaibigan na may taning na ang buhay, kung palalampasin pa niya ang pagkakataong ‘yon ay baka mahuli na ang lahat, kailangan silang magkita ni Cherie Gil.

Napakasakit para sa Megastar ang makita ang napakamasayahin niyang kaibigan na nakikipaglaban sa buhay, kalat na ang cancer sa buong katawan, panahon na lang ang hinihintay.

Mabuti na lang at nagkaroon pa sila nang mahaba-habang panahon para makapag-usap. Kahit hirap na hirap na ay nagpairal pa rin ng katapangan si Cherie sa pagkikita nila ni Sharon.

SM food to go Banner Ad

Paano makakalimutan agad ni Sharon ang pagtataas ng dalawang kamay ni Cherie para siya yakapin? Gaano kabilis niyang maiaalis sa kanyang isip ang paputul-putol na kuwento ni Cherie tungkol sa malaking puno sa tapat ng apartment nito sa New York na kung ilarawan ng kontrabidang aktres ay magsisilbing tulay nito patungo sa langit?

Pagkatapos lang nang labing-isang oras ay nakatanggap ng impormasyon si Sharon, pumanaw na ang mahal niyang kaibigan, parang siya lang ang hinihintay.

Mawala man sa mundo ang magaling na aktres ay buhay na buhay pa rin sa ating isip ang makasaysayang litanyang, “You’re nothing but a second rate, trying hard, copycat!”

Isa sa iilang tunay na kontrabida, isang mapagmahal na personalidad sa kanyang mga katrabaho, isang payapang paglalakbay kay Cherie Gil sa lugar na wala nang sakit, wala nang problema, wala nang pag-aalala.

Ang mula sa pusong pakikiramay namin sa buong pamilya Eigenmann.