Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Cellphone inilaban: Grade 10 dedo sa gulpi, saksak ng 5 tinedyer

Patay ang isang grade 10 scholar matapos umano itong pagtripang pagnakawan, bugbugin at saksakin ng limang kabataan sa kaarawan mismo ng kanyang ama sa Barangay Bulacao, Cebu City, Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Jerome Estan, 16, ng Barangay Pahina Central, Cebu City.

Ito ay agarang nasawi matapos saksakin ng dalawang beses sa dibdib at gulpihin ng limang kabataan na nagnakaw ng kanyang cellphone at mga gamit pasado alas-diyes ng gabi sa Villa Manga Barangay Bulacao.

Hawak naman ngayon ng pulisya ang tatlo sa limang suspek, dalawa dito ay kaedad ng biktima habang dalawang suspek pa ang pinaghahanap.

Sa ulat ni Police Sr. Master Sgt. Geoffrey Gutual, ng Inayawan Police Station ng Cebu City PNP, may hawak ng kaso, nakasalubong ng biktima ang limang nakainom umanong suspek sa Barangay Bulacao.

Nauna rito, pauwi na ng bahay ang pamilya-Estan lulan ng dyip nang magpaalam ang biktima sa nanay na si Moralyn Estan, 54, na kikitain ang kapwa niya iskolar sa isang food park.

Makalipas ang ilang minuto, nabalitaan na lang ng ina na napatay ang anak.

Sumuko sa pulisya ang tatlong suspek at itinanggi na sila ang pumatay.

Ayon sa tatlo, pinagtripan lang sana nilang bugbugin ang biktima subalit kinuha ng isa sa kanila ang cellphone ni Estan dahilan upang manlaban ito hanggang sa saksakin. (Edwin Balasa)