Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Bata, Django, Amit sargo sa teleserye

MULING sumabak sa pag-aartista ang tinaguriang “The Magician” ng bilyar na si Efren “Bata” Reyes sa kanyang paglabas sa primetime teleserye na pinagbibidahan ng anak ni Senador Robinhood Padilla na si Kylie Padilla.

Sa nasabing teleserye ay gumanap bilang siya mismo si Reyes na sinorpresa ang karakter ng bida, kung saan naglaro ito ng bilyar sa 9-ball Cup.

Hindi rin nagpatinag sina Django Bustamante, Rubilen Amit at Johann Chua na nakasama ni Reyes sa nasabing pagganap.

Ang naturang Billiards Great ng Pilipinas na si Reyes ay dati na ring sumabak sa paggawa ng pelikula.

Sa katunayan, nakasama pa niya sa isang pelikula ang hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. o mas kilala sa tawag na FPJ.

Sa pelikulang ‘Pakners’ nagkasama ang hari ng pelikula na si FPJ at Hari ng Bilyar na si Reyes taong 2003.

Gayunman ay hindi naman tinalikuran ni Reyes ang pagbibilyar, gayung patuloy pa rin siyang sumabak sa mga international competition, lalo na ang Southeast Asian Games (SEAG).

Sa kanyang edad na 67, hindi nagpaawat si Reyes na magbigay ng medalya para sa Pilipinas kung saan nag-uuwi ito ng bronze medal buhat noong taong 2011 SEA Games, hanggang nitong huling biennial meet. (Annie Abad)