Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

Alisin walang traffic mentality

Bukod sa kampanya kontra-wangwang at NCAP o no contact apprehension policy, may mga tropapips tayo na nagdarasal na sana raw ay magkaroon na rin ng matinong kampanya ang gobyerno at mga lokal na pamahalaan kontra sa “kamote riders.”

Hindi naman talaga kasi nakakatuwa na maraming riders–pati ng mga nagdedeliver at motorcycle taxi–ang nahawa na sa paging “kamote.” Sa kagustuhan na makarating agad sa pupuntahan, kapag wala nang masingitan sa kalsada, sasampa na sila sa bangketa.

Ang matindi, reklamo ng iba nating tropapips, may mga rider na nasobrahan sa pagiging kamote ang nagagawa pang businahan ang mga taong naglalakad sa bangketa para sila makadaan.

Ang tanong nga ng ating mga tropapips, bakit malakas ang loob ng mga kamote riders na gawing nilang expressway ang mga bangketa? Ang sagot, pinapabayaan ng mga lokal na pamahalaan lalo na ang mga opisyal ng barangay.

Sabi tuloy ng mga tropapips natin, baka raw kamote riders din ang mga opisyal ng barangay. Ibig sabihin, baka mahilig din silang sumingit sa mga sasakyan at kapag naipit na sa trapik eh sasampa na sa bangketa para makaarangkada pa rin.
Ang dahilan daw kaya maraming riders ang kamote eh dahil sa mentalidad na “walang traffic” sa motorsiklo. Kasama raw sa mga dapat sisihin sa ganitong mentalidad ng riders ang mga nagbebenta ng motorsiklo.

Ang selling point daw kasi ng mga nabebenta ng motorsiklo: mas tipid sa gas ang motor, mas mura kaysa sa kotse, at hindi sa lahat–hindi ka mata-traffic dahil puwede kang sumingit-singit.

Kung tutuusin, ang mga matitinong rider, alam nila na considered na isang sasakyan ang isang motorsiklo. Ibig sabihin, dapat manatili ka rin sa loob ng linya sa kalye gaya ng mga 4-wheel car.

Ang kaso, sa halip na nasa loob ng linya, aba’y sa mismong linya umaarangkada ang mga motorsiklo kaya makikita mo silang sumisingit sa kaliwa o sa kanan ng mga sasakyan. At kapag walang madaanan, sasampa na sa bangketa.

Ang masaklap kung minsan, sa kakasingit nila ay nadidisgrasya sila. Gaya sa mga trak na malaki ang “blind side” at nagugulungan sila kapag sumingit.

Pero masaklap din ang mangyayari sa makakadisgrasya sa kanila. Dahil kahit ang rider na kamote ang may kasalanan, huhulihin pa rin ang driver ng trak dahil sa katwiran na mas malaki ang sasakyan nito at dapat ay “nagbigay” siya sa mas maliit na motorsiklo.

Aba’y papaano naman makapagbibigay ang trak kung bigla na lang lilitaw ang rider? Gaya halimbawa na sumampa sa bangketa ang kamote rider at nawalan ng balanse, bumagsak sa kalsada, at tiyempong dumaan ang trak. O kaya ay sumingit sa trak, nalubak ang rider at nawalan ng balanse, nasagasaan ng trak?

Sabi pa ng mga tropapips natin, may mga rider din na parang bampira na takot sa sikat ng araw. O kaya naman ay “Gremlins” na takot mabasa ng ulan. Maoobserbahan daw ang mga rider na kapag stop o red ang traffic light, maghahanap ng lilim kahit pa makasagabal sila sa iba. O kaya eh naka-cover sa mga overpass o foot bridge kapag umuulan kahit din makasagabal sila sa ibang motorista.

Lagi rin silang nauuna sa mga stop light na parang mangangarera kahit pa harangan nila ang pedestrian lane. Kahit hindi pa “green” light, aarangkada na.

Sa sobrang dami na nga naman ng mga nagmomotorsiklo sa bansa na mahigit 10 milyon na, hindi na puwedeng hayaan na maglipana sa kalye ang mga rider na walang desiplina. O ang mas malala, hindi alam kung saan lang sila dapat pumuwesto sa kalsada at nagiging dahilan disgrasya. Laging Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”